Paru-paro Festival 2024 mas Pinasaya, Dasmariñas City labinlimang taon na

Kamakailan ay matagumpay na naidaos ang ika-15 taong anibersaryo bilang isang ganap na lungsod ang Dasmariñas City. Ang pagdiriwang ay tatlong araw ginanap na punong-puno ng saya at sorpresa hindi lang para sa mga taga dito ngunit pati na rin sa lahat ng mga dumayo upang masaksihan ang napakagandang presentasyon na pinangunahan ni butihing alkalde Mayora Jennifer A. Barzaga.

Sinimulan ang unang araw ng napakakulay na parada sa pangunguna ni Mayor Jenny Barzaga kasama si Third Barzaga, ang inaasam ng mga Dasmarineñong tatayo bilang bise alakalde sa susunod na termino. Marahil nagkaroon ng mabagal na daloy ng trapiko dahil dito ay hindi alintana sapagkat ang bawat motorista man ay aliw na aliw sa makukulay na kasuotan at nagagandahang kalahok sa naturang parada. Nagtapos ang parada sa COD Arena at doon ginanap ang Paru-paro Festival 2024 Street Dance Competition. Kinabukasan ay ginanap ang Miss Teen Paruparo 2024 pageant.

Sa huling araw naman ay nagmistulang umaga ang gabi sa Dasmariñas City dahil sa Lighted Float Parade 2024. Napakaliwanag at nagniningning ang bawat lugar na daanan ng parada. Matapos ang parada ay ginanap na sa Arena ang pagpapailaw ng Paru-paro Christmas tree bilang hudyat ng pormal na pagdiriwang ng Paru-paro festival at kapaskuhan sa Lungsod ng Dasmariñas sa pangunguna ni Mayor Jenny Barzaga at panauhing pandangal Senator Imee Marcos na nagbigay ng maikli ngunit makabagbag damdaming mensahe para sa mga Dasmarineño.