DASMARIÑAS City, Cavite – Kagalakan ang naihatid ng pamunuan ng Dasmariñas City Hall sa nakaraang pamamahagi ng ayuda sa mga Dasmarineño. Ito ay sa pakikipagtulungan ni Cong. Bryan Revilla upang maisakatuparan ang “Distribution of Rice Assistance” para sa miyembro ng AKAP.
Ginanap ang pamamahagi sa City of Dasmariñas Arena kung saan nagkaroon din ng ilang makabuluhang programa na dinaluhan ng buong pwersa ng Sangguniang Panlungsod ng Dasmariñas.
Ang programang ito ay alinsunod sa direktiba ng ating pamahalaan na makapamahagi ng dagdag ayuda sa mga kapuspalad sa ating komunidad. Ang direktiba namang ito ay buong pusong tinugunan ng butihing Alkalde ng Dasmariñas City na si Mayora Jennifer “Jenny” Narvaez Austria-Barzaga.
Ang AKAP o Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program ay programa upang makapagbigay ng dagdag na pinansiyal na tulong sa mga minimum-wage earners nating kababayan na hindi nabigyan ng pagkakataon na makasali sa mga programa ng DSWD na tulong pang-agapay.(RGA)
Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) Distribution of Rice Assistance with Rep. Bryan Revilla
